Huwebes, Mayo 19, 2016

Kaning Baboy




Title: Kaning-Baboy

Characters:

·         Pingping  (Jose, 13 years old)

·         Beth (mother, 32 years old)

·         Mario (father,34 years old)

·         AlingVale (neighbor)

·         Aling Rosita (neighbor)

·         Menteng (neighbor, Jose’s Godfather)

·         Nana Akang (store owner)

Location: Barrio Pinagkutaan

Setting: May 1975







Kaning-Baboy



“Aling Vale hugas ho!” Sigaw ni Pingping sa may bahay na medyo mahina na ang teynga. Ang hugas ay ang pinag-unaban ng bigas o kaya ay mga pinag-simian sa lamesa o mga tira-tira sa kusina. Sinisinop ito at inilalagay sa isang timba upang kolektahin ng may mga alagang baboy. Tipikal ito sa probinsya lalo na’t hindi uso dito ang hog feeds.



“Nandyan lang sa batalan, kunin mo na.” Sagot ng ale na nasa kalooban ng bahay. Ang batalan ay may sariling hagdanan at doon dumadaan si Pingping tuwing nangungulekta sya ng hugas. Dahan-dahan niyang itinapon ang pumaibabaw na tubig sa timba at ang itinira lang ay ang pinaka-tining nito. Isinalin sa dala niyang balde at pagkuway nagpasalamat.



Ito ang oras ng pangungulekta ni Pingping. Tapos nang mananghalian ang mga tao at nakasinop na ang kusina.  Tatlong bahay pa ang dadaanan nya bago sya makauwi. Inuuna nya ang pinakamalayo. At iyon nga bahay ni aling Vale. Muling dinampot ang kalahating-tibulos na tubo na iniwan kanina sa may haligi. Ni hindi nya ito napangusan, gamit nya lang itong pambugaw ng kung ano sa daan.



Kasunod nito ay ang bahay ni aling Rosita. Hindi na sya tinahulan ng alaga nitong aso nang buksan nya ang tarangkahan. Marahil ay kilala na sya nito. Sa dalas ba naman niyang maglabas-masok sa bakuran nito sa loob-loob nya.



“Aling Rosing hugas ho!” At tulad ng sagot ni aling Vale, nasa batalan din daw. Babahagya siyang napansin nito, subsob ang ulo sa tinatahing kaluban ng unan at bubulong-bulong na transistor. Minsan nang narinig ni Pingping na ang kalidad ng pamumuhay, maging ang karakter ng mga nakatira sa bahay, ay masasalamin sa pinaghugasan. Napangiti sya nang isalin nya sa balde ang hugas. May mga buto ng manok at linab ng menudo syang nakita. Isang linggo matapos ipakasal ni aling Rosing ang panganay nito, heto at hanggang ngayon ay may ulam pa sila. Tutuo nga yata ang bulung-bulungan dun sa may bingguhan—na itinago raw ang handa.



Matapos magpasalamat ay tinungo nya naman ang bahay ng ninong Menteng nya. Kahangga ng tatay nya sa tumana. Inabutan nya itong nagbabalahibo ng manok. Inabot nya ang kamay at nagmano. “Uy anak, biglang bulas ka ah,” Bati nito sa kanya. “Sabi ko na nga ba’t tuli lang ang kailangan mo’t bubulas ka rin e.” Palabiro ang ninong ni Pingping. Kabaligtaran ng tatay nyang tahimik. “Si ninang ho?” Bwelta ni Pingping. “Nasa palengke ‘nak, nanalo ‘ko sa sabong, pinapamili ko na baka kung sa’n pa mapunta yung kwalta.” Sabay kindat sa kanya na parang nagmamalaki habang sumasalok ng tubig sa tapayan. Kungsabagay, sa lahat na yata nang sugarol itong ninong nya ang pinakamasinop. “E si Pepe ho?” Si Pepe ang panganay na kinakapatid nya. Magkaalakbay sila ni Pepe at pareho ng pangalan. Isinunod sa patron ng barrio nila, San Jose. “Pinasama ko sa ninang mo, tagabitbit. Swerte talaga sa ‘min yang kinakapatid mo, buhat nang sumipot ‘yan nakatatlong dikit na ‘ko.” Sabay nguso sa bunsong natutulog sa duyan.



Bago nakaalis si Pingping ay kinapa ng ninong Menteng nya ang bulsa nito, wala. Dumukot sa teynga, beinte singko sentimos. “O ayan anak, balato mo.” Sabay abot. “Salamat ho.” Medyo hiyang tugon ni Pingping. “Palipatin mo’ng tatay mo mamaya, ha. Nagpabili ‘kong sarbesa sa ninang mo, ha.” Pahabol pa ng ninong Menteng ni Pingping.



Kumalansing ang pera sa bulsa ni Pingping paghakbang nya. Naalala nyang may ibinigay nga palang piso ang nanay nya, pag daan nya kay Nana Akang sa tindahan, bumili siyang isang sabong maliit at paliliguan sila ng kapatid nyang dinaanan nya pa kina Kapitan Domeng, dito na ang tambayan nila buhat nang makabili ito ng television set na de-baterya.



Malapit nang mangalahati ang balde ni Pingping kaya angat na ang kili-kili nya sa pagbuhat nito. Tatawid lang sya ng kalsada, tindahan na ni Nana Akang. Juanita ang tunay na pangalan, tinawag lang na Akang dahil sa porma ng lakad nito. “O Pingping kumusta na yung alaga natin?”Pangungumusta ni Nana Akang. Sya ang may ari ng alagang baboy ni Pingping. Paiwi ang tawag sa sistemang aalagaan ang baboy, pag ibinenta o nanganak, hati sila ng may-ari. “Andun ho, ang pipintog ng mga kulig.” Pagmamalaki ni Pingping sa kasama habang itinataktak ang timba sa balde nya.



Ipinamulsa ang biniling sabon. Maging ang nabalato sa ninong ay ibinili ng pakumbo ang kinse at itinabi ang diyes para bukas. Nagpaalam sa matanda at tinunton ang landas pauwi sa kanila. Dalawang bahay lang ang layo nila sa tindahan ni Nana Akang, Subalit malalayo ang pagitan ng bawat bahay.



Huminto sya sa ilalim ng isang punong Acacia, naupo at inilabas ang biniling pakumbo. Kumagat at papikit na ninamnam ang tamis nang matunaw ito sa loob ng bibig nya. Bakit nga ba tinawag na barrio Pinagkutaan ang lugar nila? Noon daw panahon ng Liberation, dito daw nagtago ang mga HUKBALAHAP sa lugar nila. Nang matapos ang giyera, hindi na nagsi-uwi sa kani-kanilang lugar ang mga gerilya at dito na nanirahan. Palibhasa ay liblib, kani-kanyang hawan na lang ng talahib sa Parang. Ang malinis mo, lupa mo na. Dati raw ay walang kalsada dito, daang tao lang. Subalit ngayon malapad na ang daan at diretso na ang kariton ng tatay nya pag umaahon sila sa Ingkong Anacleto nya. Iilan na lang ang natitirang buhay sa mga naunang tao dito. Kabilang ang ingkong ni Pingping na nakapagkwento pa sa kanya bago umahon sa tunay na barrio at doon nakaratay ngayon.



Naka-dalawang baba pa sya ng balde bago umabot sa kanila.



Inabutan nyang kumakain ang tatay nyang galing sa tumana. Nag-uusap ang mga magulang ni Pingping. “Pag me  awa ang Poon at di nasamid ang mais ko, Ine, tatama tayo.” Ang tatay ni Pingping habang nilalamas ang sinabawang kanin. “Medyo me gatas-gatas na, sa isang linggo pwede ka nang mag-gulay.” Nakataas ang isang paa sa bangko habang sumusubo. “Mano po ‘tay.” Sabi ni Pingping pagkaabot ng sabon sa nanay. “Kumusta ne mga baboy mo, ping?” Bati ng tatay sa anak. “Pagbutihin mo’ng alaga d’yat ‘yan ang pang-tuition mo sa pasukan. Tularan mo si iking ni aling Vale paglaki mo, balita ko sa San Agustin ata nag-aaral sa Menila.” “Sa San Sebastian,” Pagtutuwid ng babae habang naghihimay ng pritong gurami. “Apat lang ang ibebenta natin. ‘yung tatlo, palalakihin. Kakasya nang pambili ng sapatos at pampatahi ng Tatlong pantalon ‘yung pagbibilhan nung apat na kulig,” Paglilinaw ni Beth. “E ‘yung tuition at pamasahe?” Singit uli ni Mario.

“E di ba usapan natin dun sya uuwi kina tatang sa hulo? Uuwi lang sya dito sa Kuta pag Sabado. Kakasya na ‘yung apat na kulig. Bakit senyor, wala na po ba kayong balak magtumana, ha?!” “Oo nga ‘no, sukol ako dun ah.” Nakatawang naghinaw ng kamay sa tabo ang butihing ama. Tawanan silang lahat.



“Tay pinalilipat nga pala kayo ni ninong Menteng mamaya, nanalo sa sabong, nagpabili daw ng sarbesa ke ninang.” Paalala ni Pingping, sabay alok ng pakumbo sa ama. 



Nagpagibik ang inahing-baboy pagkakita kay Pingping na bitbit ang balde ng hugas at sako ng darak. Labing–apat ang naging anak ng alaga ni Pingping. Malulusog lahat. Ipinagpag ang nadumihang biniyak na goma ng trak. (Ito ang pinaka-labangan ng baboy). Ibinuhos nya ang kalahati ng hugas sa labangan at saka tinakalan ng dalawang tabong darak. Ang sarap ng sibsib ng inahing nagpapasuso. Kailangan nya ito lalo na’t lumalaki na ang mga kulig. Hinimas-himas ni Pingping ang tagiliran ng baboy habang kumakain at animo’y taong kinausap: “Salamat sa mga anak mo, ha? Hamo, hindi ka na namin isosoli, pag nagbuntis ka uli, babayaran na lang kita ke nana Akang.”



Ibinuhos nang lahat ni Pingping ang natirang hugas sa balde at tinakalan uli ng darak ang kakanan ng alaga at saka naghugas ng kamay. May duyan siyang sako sa tabi ng guyabanong tinatalian ng baboy. Naupo sya dito at pinanood ang mga kulig na nag-aagawan sa suso at mga manok na binubutas ang sako ng darak. Dalawang linggo na lang at paghahatian na nila ang bunga ng pagod nya. Humiga sya at pinagkasya ang sarili sa duyan. Sinapo ng dalawang palad ang ulo. Ano kaya ang itsura nya pag nakapantalon at nakasapatos? Ang bilin ng nanay nya ay hwag daw syang paika-ika ng lakad at baka mapagkakamalan syang  first-timer.



Lumipad ang diwa ni Pingping. Nakakikiliti ang pangitain ng mga darating na araw: Ang bentahan ng baboy, ang pag-aani ng mais ng tatay nya, ang unang pares ng pantalon at sapatos, at ang unang araw nya sa high school.



Nakaguhit ang ngiti sa labi ng nakatulog na bagun-tao. Umihip ng malamyos ang hangin. Umaawit ang pingkian ng kawayan sa may duluhan. Maliban sa mga huni ng ibon at manaka-nakang tawanan sa may bingguhan ay payapang-payapa ang Barrio Pinagkutaan. Sa di kalayuan ay pumailanlang sa himpapawid ang di maikakailang tinig: Ito ang inyongggg….Tiya Deeelyyyy…








Feb. 18, 2007

Riyadh, KSA

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento