Biyernes, Marso 1, 2013

Pastol ng itik



Paika-ika akong umahon ng sapa. Isang baldeng tubig sa kanan, banyera sa kaliwa. Ang susundan ko’y liman-daang dumalagang itik at  haharanging bumalik. Bubungkalin ko ang bunton ng mga pinaggiikan at lalantad ang mga butil na sumama sa dayami. Iisang kumpol sila harap ko. Kulang na lang ay kumain sila mismo sa aking palad.

Palibhasa’y tag-araw kaya tuyo ang pinitakan. At sikat pa rin ang araw kaya madali silang mauhaw. Habang nanginginain, ibubuhos ko ang tubig sa di kalayuan at patakbong babalik sa sapa upang sumalok ng pamalit. Hindi ako pwedeng magtagal sa pang-iigib, may palay pa sa katabing banos, baka mapasok ng itik ko, nakow, lagot ako kay tata Ameng.

Matapos ang isang oras at kalahati ng pituhan, sigawan, (nakikilala ng itik ang tinig ng kanilang pastol), lobo na ang butse ng mga alaga ko. Habang dumidilim, guguhit sila ng iisang-linya pauwi kung saan ko sila pinawalan kaninang umaga. Hindi ko na sila kailangang igiya sa daraanan. Nakakagulat, kahit gaano kalayo ko sila itinaboy at pinastulan, kung bakit alam na alam nilang tuntunin ang daan pabalik.

Habang papauwi ay magpapatiuna ako upang magpalit ng sapin sa kulungan nila. Gustong-gusto kong nakikita habang ginagasak nila ang buhaghag na ginikan hanggang maging parang nilatag na banig na lang ito. Ano pa nga ba ang pinagkaiba namin ng mga alaga ko? Ako man ay patambling-tambling sa ginikan habang nakababad sila sa sapa.Eh ano ba kung makati at magilik, sa hindi naliligo, pagpag lang ang katapat nito.

 Hindi titigil ang kaguluhan sa loob hangga’t may isang kasama sa labas. At hindi rin naman titigil kaiikot ang nasa labas hanggang hindi nakikita ang daan papasok. Ganun din naman ako. Hindi ako aalis sa gilid ng kulungan hanggang hindi ko nabibilang ang mga palatandaan ko. Lima ang kulay puti, pito ang purlakin, dalawa ang abuhin, apat ang may korona. Kung may nabawas isa man dito, malamang ay may kasama ‘yon. Naranasan ko na ang mawalan ng itik. Sa edad ko noon – sampu-labin-dalawang taon – ay halos alam ko na rin ang damdamin ng mawalan ng anak.

Sa pipintog ng butse nila, pakiramdam ko’y hindi ko na kailangang maghapunan mamaya. Sulit ang maghapong pagkabilad sa araw. Makikita mo na may namumugad na, at unti-unting bumababa ang puwitan nila. Ito ang pinakamasarap na parte sa buhay ng pastol.  Hindi ka pa nagkasya na maghapon mo silang kasama, haya’t pinapapak ka na ng lamok, halos ay kumutan pa sila.

Ang pagkaalam ko ay hindi naman sa amin ang mga itik. Paalaga lang ito. Babayaran ang pinansyer pag umiitlog na hanggang tuluyang maging amin. Ang pagbabayad ay alalahanin ng mga magulang ko. Basta payapa ako sa pastulan kesa eskwelahan. Salamat na lang sa isip kong paslit, pareho lang ang kasiyahang natatamo sa busog at nangigitlog na itik.

Hihimpil sa kubo. Matapos kainin ang binalot ni inang, hindi na kailangang maligo bago matulog. Suot pa rin ang sambrang sikatan at lubugan ng araw, huhugasan ang natuyong putik sa paang tibakin, (tibak pag tag-araw, alipunga pag tag-ulan). Tatabi sa mga kasamahang amoy itik din. Ilalatag ang isang sakong B-Meg, papaloob sa isa pa, at papaimbulog sa isang himbing na di matatawaran.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento