Huwebes, Mayo 19, 2016

isang tagpo sa Crossing


 Tatlong araw nang hindi nakikita ni Nardo ang pulubing araw-araw ay nililimusan n’ya. Parang ibig n’yang kabahan. “May nangyari kaya sa kanya? Ah baka tinanghali lang siya, mamaya lang siguro ay nandito na ‘yon.” Sa loob-loob ni Nardo. At humalo na s’ya sa agos ng daan-daang tao sa EDSA papunta sa trabaho niya sa pabrika ng kendi sa Pasig. Araw-araw ay nakikita ni Nardo ang matandang ito at naging ritwal na niya ang magtira ng barya sa kanyang bulsa twing dadaan s’ya sa pwesto nito.

Mga ilang oras pa ay nandun na nga ang matanda sa dati n’yang lugar. Hindi maikakaila ang matinding hirap ng kanyang kalagayan. Kung titingnan ay mukhang nasa sitenta na ang matanda subalit ang totoo ay wala pa s’yang sisenta. May nakasakbit na backpack sa kanyang likod na may tatak na Baguio City. Pasuray-suray s’ya na animo’y lasing at kung di sa tungkod n’yang hawak ay baka nabuwal na s’ya. Ang suot n’yang lumang CAT uniform na kung hindi limos ay galing sa basurahan ay pinutol ang manggas lampas sa siko. Ang pantalon n’ya’y kulay lupa na mukhang hindi na nalalabhan ng kung ilang buwan, ay butas sa may puwitan at kita mong wala s’yang suot na panloob. Anupa’t ang mga lumipas na araw ay parang normal lang sa kanya ang ganitong kalagayan at mukhang kuntento na s’ya. Subalit ngayon ay hindi maitatago na may malaki s’yang problema.
Ito ang napansin ni Nardo nang maaga s’yang lumabas papunta sa karinderya n’yang kainan. Balisa ang matanda at nagsasalita ng walang kausap habang umiiyak. “Diyos ko alam kong nakikita ninyo ang lahat ng nangyayari dito sa lupa. Patawarin ninyo ako sa mga nagawa ko”. Ang pautal na sambit nito. “Bakit ho, Tatang?” tanong ni Nardo na parang dati na silang magkakilala habang hinuhulog ang dalawang pisong barya sa palad ng matanda. “Wala amang, wala”. Utal ng matanda habang palihis na tumungo at nagpatuloy sa hindi maintindihang pangungusap o panalangin. “Pakiramdam ko’y oras ko na, amang.” Higit ng matanda sa nanginginig n’yang boses. “Gusto ko na ring mamatay, amang”. At tuluyang naupos at nasalo ni Nardo bago humampas ang ulo sa mainit na sidewalk.

Nasiguro ni Nardo na hindi lang kahirapan ang dinadala ng matanda ngayon. Higit pa roon sa ikinakaba n’ya. Sa tulong ng ilang Metro-aide ay nadala n’ya sa isang turo-turo sa gilid ng EDSA at doon na rin nahimasmasan ang lalaki. 

Tila ilang araw nang hindi kumakain ang matanda sa tingin ni Nardo, kung paanong kinain nito ang isang platong pansit at isang supot na monay na inorder n’ya. “Wala na ang asawa ko.” Habang tinutungga ang bote ng coke. “Na-trangkaso s’ya nang mabasa s’ya ng ulan nung isang lingo”. “Bakit ho, nasaan ang asawa nyo?”Dumikit si Nardo sa matanda para marinig ang susunod na sasabihin nito. Ngayo’y amoy na amoy na n’ya ito. “Tatlong araw s’yang nilagnat at hindi ko s’ya maiwan sa bahay dahil walang magbabantay sa kanya, alam mo amang, kung hindi ako magpapalimos saan ako kukuha ng pambili ng gamot n’ya?” Patuloy ng matanda. “Bakit ho, saan ho kayo nakatira?” May namumuo na sa isip ni Nardo. “Nagpunta ako sa Baranggay health Center”. Parang hindi narinig ng matanda ang mga tanong ni Nardo. “Kaya lang nang malaman nilang hindi kami botante doon ay binigyan lang ako ng reseta. Tingnan mo amang, pulubi lang kami, yung limos sa amin ay hindi pa kasyang pang-kain namin, saan ko pa kaya kukunin ang pambili ng gamot ng asawa ko”? katwiran pa nito. “Asan na ho s’ya ngayon?” namumula na si Nardo. “D’yan lang kami sa may Pineda, sa gilid ng ilog. Kailangan ko nang lumabas dahil dalawang araw na kaming hindi kumakain, amang, pero kaninang umaga nang ginigising ko na s’ya hindi na s’ya sumasagot…” Nagsimulang nanginig ang katawan ng matanda at halos ayaw na ring marinig ni Nardo ang mga susunod na sasabihin nito. 
“Wala ho ba kayong anak?” Binago ni Nardo ang usapan. “ah, ibig mong sabihin ang anak naming si Miguel”. Naalala ng ama. “Iniwan n’ya kami nang dose anyos na s’ya, huling balita ko’y isa s’ya sa mga pinik-ap ng mga police nang magka-raid sa Pineda, matagal na yon, mga kinse na siguro s’ya ngayon… kung buhay pa s’ya”. Napansin ni Nardo na may diwa ang pananalita ng matanda. 
“Bata pa ang asawa ko, wala pa s’yang singkwenta”. Habang umiiyak ito ay narinig nila ang field report sa radio na may isang matandang babae na nakitang lumulutang sa tulay ng Guadalupe. “Bata pa s’ya amang, wala pang singkwenta.” Tuluyan nang nagpalahaw ang matanda. Dali-daling pumara ng bus si Nardo di na napansin ang matandang tuluyang bumulagta sa bangketa. 

Kumpulan ang mga tao sa gilid ng ilog nang pilit isiniksik ni Nardo ang sarili sa karamihan. Tama ang matanda, wala pang singkwenta ang asawa n’ya, pinatanda lang ng kahirapan. Nagpalinga-linga s’ya sa paligid. May nagmumura, may dumudura, ang iba ay sadyang walang pakialam. Isang malaking takaw-pansin ay ang higanteng billboard ng bagong-upong presidente, sa kanyang buong kaningningan at pangako ng pagbabago. Ibig n’yang maupos, kumapit s’ya sa barandilya ng tulay at sa kabila ng gutom ay tuluyan s’yang sumuka.



           Oct.19, 2004

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento