Huwebes, Mayo 19, 2016

May isang Handaan


May isang handaan

Sigurado ako na napunta ka na sa handaan.
Sino ba sa atin ang hindi, e naka-latay na sa kultura ating mga pinoy ang kainan.
Me kasalan, me binyagan, e di lalo na ang bertdey.


Bayaan n’yong magkwento ako ng konti sa naranasan ko na.
Tulad nung minsang naimbitahan ako sa isang kasalan.
Natural na sa atin ang hindi kumain ng almusal lalo na’t En-Grande ang pupuntahan.
At ganun nga ang ginawa ko para pagdating ng tanghalian ay alam nyo na…sulit eka nga
…or so I thought...


Sa malayong bukid ang bahay ng ikakasal kaya maaga pa ay nasa biyahe na kami.
Pagdating namin doon ay hindi man lang kami naasikasong mapainom dahil sumulong
na ang kasal papuntang bayan na may kalayuan pa uli.


Sa simbahan ay naghintay pa uli kami ng humugit-kumulang ay kalahating oras
dahil may naunang kasal sa amin, mga alas-onse na noon.
Imagine this, alas-onse at walang kahit anong laman  ang sikmura mo,
ano kaya ang feeling mo?


Ba’t naman kasi naamoy ko pa ang usok sa kusina kaninang paalis sa bahay ng ikakasal
…haaay…


Ang totoo nyan, me pera naman ako at pwedeng pawiin ang gutom na dinaranas
sa malapit na tindahan. Kaya lang pag naiisip ko yung handaan, aba e...tiis muna.


Sa wakas ay natapos ang naunang kasal sa amin.
Nagsimulang mag-martsa ang mga kumakatawan sa kasalan.
Ang napansin ko lang, ba’t parang mabibilis yata ang hakbang nila,
o baka naman halusinasyon ko na lang ‘yon.


At nang mag-umpisa ang ceremony, salisi ang tingin ko sa pari,
sa mga tao, at sa ikinakasal, tila yata mapuputla silang lahat.


Hindi ako nagtaka nang magsubo ng katawan ni Kristo ang pari, ay, ang haba ng pila.
Hindi rin ako magtataka kung may umulit pa.


Ilang sandali pa at nagsabi na ang pari ng:“you may now kiss the bride”...
At uuga-uga na tumalima ang pobreng lalake.


At nang ideklarang tapos na ang kasalan, ayy, me nanalo na, dang lakas ng palakpakan.


Alas dose y medya, pabalik na kami sa bahay. Doon din ang reception.
Rough road doon at maalikabok
kaya kung titingnan mo sa malayo parang me karera ng kalabaw.


Thank God, ala una nasa bahay na kami. At ano pa, e di piyesta na!


Umuugong na musika at nagsabog na butil ng mais at bigas ang sumalubong sa amin
sa tarangkahan. Nakakainggit naman ang bibi at manok, me tanghalian na sila.

Presidential ang arrangement ng table kaya ang buong entourage lang ang pwedeng umupo
sa mesa. Nung oras na ‘yon, dalawang beses na ‘kong nilipasan ng gutom.


Kinakabahan ako dahil sa tuwing titingin ako sa likod ng bahay
ay may mga batang lumalabas at may bitbit na supot, garapon,
at tuluyan akong napa-antanda, ‘yung isang bata, may sunong na palanggana!

Mabuti na lang at ako’y taong may hiya at takot sa Diyos, kaya nagsawalang-kibo na lang ako.
Ang inaalala ko ay ang mga kasama kong nanggaling pa sa Maynila.
Ang isa ay susumumpa na hindi na mangyayari sa buhay niya ang ganito.
Mabuti pa raw si Echegaray bago pinatay ay pinakain muna.
Ang kahiya-hiya ay nagpunta siya sa handaan at namatay sa gutom!


Alas dos pasado ay may brilyo na ang ngiti ng unang hain, halata mong talagang isinagad nila. Yung isang nasalubong ko...apat ang toothpick na hawak.


At, Praise the Lord, kami naman ang hinainan.
Nang hawakan ko ang kubyertos ay di sinasadyang tumama ito sa katabing baso.
Kung sa medyo class na reception ito ang tawag dito ay “kiss the bride”.
E sinong gutom naman ang makakaisip pa na gawin ‘yon?


Hige, hulong, banat-buto, hindi na ‘ko nahiya dahil ang mga kasabay kong
kumakain ay pikit-mata na rin, teka, mas bagay yatang sabihin ko na bural-mata na rin.
Huli na lang nang mapansin ko, naka-video pala kami.


Tatlong-balik at tatlong basong juice ang matuling lumipas maganda na rin ang ngiti ko.
Dalawa ang baon kong panyo, nabasa kong pareho.


Tapos na ang kainan, nabati ko na rin ang bagong-kasal sabay abot ng regalo kong wall clock.


Umalingawngaw sa karaoke si Willy Garte at sumayaw sa gitna
ang magsing-irog sa saliw ng awiting Bawal na gamot.


Iisa lang ang ibig sabihin nito, pabonggahan na. Sabitan na ng pera.
Me mga partido na sa kagustuhang umunlad ang bagong-kasal,
ay isinasabit pati titulo ng sibuyasan o rehistro ng alagang kalabaw.


Napatingin ako sa mga kasama ko na nakatingin din sa akin.
Sa loob-loob ko, problema na naman ito. Okay lang sana kung me isasabit kame...
at hanggang sa mga oras na ito ay pare-pareho pa rin kami ng aming wavelength...


Kaya bago pa kami mapigilan at magpababa muna ng kinaen, ay kani-kaniyang alibi na kami.


    Habang daan ay iniisip ko, sa susunod na may ganitong lakad
ay kakain na ‘ko kahit konti lang, para kung mangyari uli ang ganito ay handa na ‘ko.


Patuloy ang biyahe sa malubak na daan…
pumepekat sa pisngi ko ang alikabok ng maligamgam na amihan...
salisi ang kaldag at haplos ng alimuom sa dinilig na sibuyasan...
teka, tila yata me nagpaparamdam...
me nagbababag ba sa ‘king tiyan?…
para ‘kong nanganganay...nabigla yata ng kain kanina...
aba, at pasakit ng pasakit ah…kaya mo yan, lover boy, ikaw pa...itatawid natin ito...
palipit na ang paa ko at ang kapit sa barandilya ng jeep...humuhulas na ‘ko sa pawis..
iba na talaga ang tawag ng kalikasan, NGAYUN NAAA...
nang sasabihin ko na sa driver na pakitabi na lang sa may talahiban
ay bigla na lang nasaldak sa malalim na lubak…tapos!


Akoyome Warasawa


Oct. 13, 2004

 


 

isang tagpo sa Crossing


 Tatlong araw nang hindi nakikita ni Nardo ang pulubing araw-araw ay nililimusan n’ya. Parang ibig n’yang kabahan. “May nangyari kaya sa kanya? Ah baka tinanghali lang siya, mamaya lang siguro ay nandito na ‘yon.” Sa loob-loob ni Nardo. At humalo na s’ya sa agos ng daan-daang tao sa EDSA papunta sa trabaho niya sa pabrika ng kendi sa Pasig. Araw-araw ay nakikita ni Nardo ang matandang ito at naging ritwal na niya ang magtira ng barya sa kanyang bulsa twing dadaan s’ya sa pwesto nito.

Mga ilang oras pa ay nandun na nga ang matanda sa dati n’yang lugar. Hindi maikakaila ang matinding hirap ng kanyang kalagayan. Kung titingnan ay mukhang nasa sitenta na ang matanda subalit ang totoo ay wala pa s’yang sisenta. May nakasakbit na backpack sa kanyang likod na may tatak na Baguio City. Pasuray-suray s’ya na animo’y lasing at kung di sa tungkod n’yang hawak ay baka nabuwal na s’ya. Ang suot n’yang lumang CAT uniform na kung hindi limos ay galing sa basurahan ay pinutol ang manggas lampas sa siko. Ang pantalon n’ya’y kulay lupa na mukhang hindi na nalalabhan ng kung ilang buwan, ay butas sa may puwitan at kita mong wala s’yang suot na panloob. Anupa’t ang mga lumipas na araw ay parang normal lang sa kanya ang ganitong kalagayan at mukhang kuntento na s’ya. Subalit ngayon ay hindi maitatago na may malaki s’yang problema.
Ito ang napansin ni Nardo nang maaga s’yang lumabas papunta sa karinderya n’yang kainan. Balisa ang matanda at nagsasalita ng walang kausap habang umiiyak. “Diyos ko alam kong nakikita ninyo ang lahat ng nangyayari dito sa lupa. Patawarin ninyo ako sa mga nagawa ko”. Ang pautal na sambit nito. “Bakit ho, Tatang?” tanong ni Nardo na parang dati na silang magkakilala habang hinuhulog ang dalawang pisong barya sa palad ng matanda. “Wala amang, wala”. Utal ng matanda habang palihis na tumungo at nagpatuloy sa hindi maintindihang pangungusap o panalangin. “Pakiramdam ko’y oras ko na, amang.” Higit ng matanda sa nanginginig n’yang boses. “Gusto ko na ring mamatay, amang”. At tuluyang naupos at nasalo ni Nardo bago humampas ang ulo sa mainit na sidewalk.

Nasiguro ni Nardo na hindi lang kahirapan ang dinadala ng matanda ngayon. Higit pa roon sa ikinakaba n’ya. Sa tulong ng ilang Metro-aide ay nadala n’ya sa isang turo-turo sa gilid ng EDSA at doon na rin nahimasmasan ang lalaki. 

Tila ilang araw nang hindi kumakain ang matanda sa tingin ni Nardo, kung paanong kinain nito ang isang platong pansit at isang supot na monay na inorder n’ya. “Wala na ang asawa ko.” Habang tinutungga ang bote ng coke. “Na-trangkaso s’ya nang mabasa s’ya ng ulan nung isang lingo”. “Bakit ho, nasaan ang asawa nyo?”Dumikit si Nardo sa matanda para marinig ang susunod na sasabihin nito. Ngayo’y amoy na amoy na n’ya ito. “Tatlong araw s’yang nilagnat at hindi ko s’ya maiwan sa bahay dahil walang magbabantay sa kanya, alam mo amang, kung hindi ako magpapalimos saan ako kukuha ng pambili ng gamot n’ya?” Patuloy ng matanda. “Bakit ho, saan ho kayo nakatira?” May namumuo na sa isip ni Nardo. “Nagpunta ako sa Baranggay health Center”. Parang hindi narinig ng matanda ang mga tanong ni Nardo. “Kaya lang nang malaman nilang hindi kami botante doon ay binigyan lang ako ng reseta. Tingnan mo amang, pulubi lang kami, yung limos sa amin ay hindi pa kasyang pang-kain namin, saan ko pa kaya kukunin ang pambili ng gamot ng asawa ko”? katwiran pa nito. “Asan na ho s’ya ngayon?” namumula na si Nardo. “D’yan lang kami sa may Pineda, sa gilid ng ilog. Kailangan ko nang lumabas dahil dalawang araw na kaming hindi kumakain, amang, pero kaninang umaga nang ginigising ko na s’ya hindi na s’ya sumasagot…” Nagsimulang nanginig ang katawan ng matanda at halos ayaw na ring marinig ni Nardo ang mga susunod na sasabihin nito. 
“Wala ho ba kayong anak?” Binago ni Nardo ang usapan. “ah, ibig mong sabihin ang anak naming si Miguel”. Naalala ng ama. “Iniwan n’ya kami nang dose anyos na s’ya, huling balita ko’y isa s’ya sa mga pinik-ap ng mga police nang magka-raid sa Pineda, matagal na yon, mga kinse na siguro s’ya ngayon… kung buhay pa s’ya”. Napansin ni Nardo na may diwa ang pananalita ng matanda. 
“Bata pa ang asawa ko, wala pa s’yang singkwenta”. Habang umiiyak ito ay narinig nila ang field report sa radio na may isang matandang babae na nakitang lumulutang sa tulay ng Guadalupe. “Bata pa s’ya amang, wala pang singkwenta.” Tuluyan nang nagpalahaw ang matanda. Dali-daling pumara ng bus si Nardo di na napansin ang matandang tuluyang bumulagta sa bangketa. 

Kumpulan ang mga tao sa gilid ng ilog nang pilit isiniksik ni Nardo ang sarili sa karamihan. Tama ang matanda, wala pang singkwenta ang asawa n’ya, pinatanda lang ng kahirapan. Nagpalinga-linga s’ya sa paligid. May nagmumura, may dumudura, ang iba ay sadyang walang pakialam. Isang malaking takaw-pansin ay ang higanteng billboard ng bagong-upong presidente, sa kanyang buong kaningningan at pangako ng pagbabago. Ibig n’yang maupos, kumapit s’ya sa barandilya ng tulay at sa kabila ng gutom ay tuluyan s’yang sumuka.



           Oct.19, 2004

Kaning Baboy




Title: Kaning-Baboy

Characters:

·         Pingping  (Jose, 13 years old)

·         Beth (mother, 32 years old)

·         Mario (father,34 years old)

·         AlingVale (neighbor)

·         Aling Rosita (neighbor)

·         Menteng (neighbor, Jose’s Godfather)

·         Nana Akang (store owner)

Location: Barrio Pinagkutaan

Setting: May 1975







Kaning-Baboy



“Aling Vale hugas ho!” Sigaw ni Pingping sa may bahay na medyo mahina na ang teynga. Ang hugas ay ang pinag-unaban ng bigas o kaya ay mga pinag-simian sa lamesa o mga tira-tira sa kusina. Sinisinop ito at inilalagay sa isang timba upang kolektahin ng may mga alagang baboy. Tipikal ito sa probinsya lalo na’t hindi uso dito ang hog feeds.



“Nandyan lang sa batalan, kunin mo na.” Sagot ng ale na nasa kalooban ng bahay. Ang batalan ay may sariling hagdanan at doon dumadaan si Pingping tuwing nangungulekta sya ng hugas. Dahan-dahan niyang itinapon ang pumaibabaw na tubig sa timba at ang itinira lang ay ang pinaka-tining nito. Isinalin sa dala niyang balde at pagkuway nagpasalamat.



Ito ang oras ng pangungulekta ni Pingping. Tapos nang mananghalian ang mga tao at nakasinop na ang kusina.  Tatlong bahay pa ang dadaanan nya bago sya makauwi. Inuuna nya ang pinakamalayo. At iyon nga bahay ni aling Vale. Muling dinampot ang kalahating-tibulos na tubo na iniwan kanina sa may haligi. Ni hindi nya ito napangusan, gamit nya lang itong pambugaw ng kung ano sa daan.



Kasunod nito ay ang bahay ni aling Rosita. Hindi na sya tinahulan ng alaga nitong aso nang buksan nya ang tarangkahan. Marahil ay kilala na sya nito. Sa dalas ba naman niyang maglabas-masok sa bakuran nito sa loob-loob nya.



“Aling Rosing hugas ho!” At tulad ng sagot ni aling Vale, nasa batalan din daw. Babahagya siyang napansin nito, subsob ang ulo sa tinatahing kaluban ng unan at bubulong-bulong na transistor. Minsan nang narinig ni Pingping na ang kalidad ng pamumuhay, maging ang karakter ng mga nakatira sa bahay, ay masasalamin sa pinaghugasan. Napangiti sya nang isalin nya sa balde ang hugas. May mga buto ng manok at linab ng menudo syang nakita. Isang linggo matapos ipakasal ni aling Rosing ang panganay nito, heto at hanggang ngayon ay may ulam pa sila. Tutuo nga yata ang bulung-bulungan dun sa may bingguhan—na itinago raw ang handa.



Matapos magpasalamat ay tinungo nya naman ang bahay ng ninong Menteng nya. Kahangga ng tatay nya sa tumana. Inabutan nya itong nagbabalahibo ng manok. Inabot nya ang kamay at nagmano. “Uy anak, biglang bulas ka ah,” Bati nito sa kanya. “Sabi ko na nga ba’t tuli lang ang kailangan mo’t bubulas ka rin e.” Palabiro ang ninong ni Pingping. Kabaligtaran ng tatay nyang tahimik. “Si ninang ho?” Bwelta ni Pingping. “Nasa palengke ‘nak, nanalo ‘ko sa sabong, pinapamili ko na baka kung sa’n pa mapunta yung kwalta.” Sabay kindat sa kanya na parang nagmamalaki habang sumasalok ng tubig sa tapayan. Kungsabagay, sa lahat na yata nang sugarol itong ninong nya ang pinakamasinop. “E si Pepe ho?” Si Pepe ang panganay na kinakapatid nya. Magkaalakbay sila ni Pepe at pareho ng pangalan. Isinunod sa patron ng barrio nila, San Jose. “Pinasama ko sa ninang mo, tagabitbit. Swerte talaga sa ‘min yang kinakapatid mo, buhat nang sumipot ‘yan nakatatlong dikit na ‘ko.” Sabay nguso sa bunsong natutulog sa duyan.



Bago nakaalis si Pingping ay kinapa ng ninong Menteng nya ang bulsa nito, wala. Dumukot sa teynga, beinte singko sentimos. “O ayan anak, balato mo.” Sabay abot. “Salamat ho.” Medyo hiyang tugon ni Pingping. “Palipatin mo’ng tatay mo mamaya, ha. Nagpabili ‘kong sarbesa sa ninang mo, ha.” Pahabol pa ng ninong Menteng ni Pingping.



Kumalansing ang pera sa bulsa ni Pingping paghakbang nya. Naalala nyang may ibinigay nga palang piso ang nanay nya, pag daan nya kay Nana Akang sa tindahan, bumili siyang isang sabong maliit at paliliguan sila ng kapatid nyang dinaanan nya pa kina Kapitan Domeng, dito na ang tambayan nila buhat nang makabili ito ng television set na de-baterya.



Malapit nang mangalahati ang balde ni Pingping kaya angat na ang kili-kili nya sa pagbuhat nito. Tatawid lang sya ng kalsada, tindahan na ni Nana Akang. Juanita ang tunay na pangalan, tinawag lang na Akang dahil sa porma ng lakad nito. “O Pingping kumusta na yung alaga natin?”Pangungumusta ni Nana Akang. Sya ang may ari ng alagang baboy ni Pingping. Paiwi ang tawag sa sistemang aalagaan ang baboy, pag ibinenta o nanganak, hati sila ng may-ari. “Andun ho, ang pipintog ng mga kulig.” Pagmamalaki ni Pingping sa kasama habang itinataktak ang timba sa balde nya.



Ipinamulsa ang biniling sabon. Maging ang nabalato sa ninong ay ibinili ng pakumbo ang kinse at itinabi ang diyes para bukas. Nagpaalam sa matanda at tinunton ang landas pauwi sa kanila. Dalawang bahay lang ang layo nila sa tindahan ni Nana Akang, Subalit malalayo ang pagitan ng bawat bahay.



Huminto sya sa ilalim ng isang punong Acacia, naupo at inilabas ang biniling pakumbo. Kumagat at papikit na ninamnam ang tamis nang matunaw ito sa loob ng bibig nya. Bakit nga ba tinawag na barrio Pinagkutaan ang lugar nila? Noon daw panahon ng Liberation, dito daw nagtago ang mga HUKBALAHAP sa lugar nila. Nang matapos ang giyera, hindi na nagsi-uwi sa kani-kanilang lugar ang mga gerilya at dito na nanirahan. Palibhasa ay liblib, kani-kanyang hawan na lang ng talahib sa Parang. Ang malinis mo, lupa mo na. Dati raw ay walang kalsada dito, daang tao lang. Subalit ngayon malapad na ang daan at diretso na ang kariton ng tatay nya pag umaahon sila sa Ingkong Anacleto nya. Iilan na lang ang natitirang buhay sa mga naunang tao dito. Kabilang ang ingkong ni Pingping na nakapagkwento pa sa kanya bago umahon sa tunay na barrio at doon nakaratay ngayon.



Naka-dalawang baba pa sya ng balde bago umabot sa kanila.



Inabutan nyang kumakain ang tatay nyang galing sa tumana. Nag-uusap ang mga magulang ni Pingping. “Pag me  awa ang Poon at di nasamid ang mais ko, Ine, tatama tayo.” Ang tatay ni Pingping habang nilalamas ang sinabawang kanin. “Medyo me gatas-gatas na, sa isang linggo pwede ka nang mag-gulay.” Nakataas ang isang paa sa bangko habang sumusubo. “Mano po ‘tay.” Sabi ni Pingping pagkaabot ng sabon sa nanay. “Kumusta ne mga baboy mo, ping?” Bati ng tatay sa anak. “Pagbutihin mo’ng alaga d’yat ‘yan ang pang-tuition mo sa pasukan. Tularan mo si iking ni aling Vale paglaki mo, balita ko sa San Agustin ata nag-aaral sa Menila.” “Sa San Sebastian,” Pagtutuwid ng babae habang naghihimay ng pritong gurami. “Apat lang ang ibebenta natin. ‘yung tatlo, palalakihin. Kakasya nang pambili ng sapatos at pampatahi ng Tatlong pantalon ‘yung pagbibilhan nung apat na kulig,” Paglilinaw ni Beth. “E ‘yung tuition at pamasahe?” Singit uli ni Mario.

“E di ba usapan natin dun sya uuwi kina tatang sa hulo? Uuwi lang sya dito sa Kuta pag Sabado. Kakasya na ‘yung apat na kulig. Bakit senyor, wala na po ba kayong balak magtumana, ha?!” “Oo nga ‘no, sukol ako dun ah.” Nakatawang naghinaw ng kamay sa tabo ang butihing ama. Tawanan silang lahat.



“Tay pinalilipat nga pala kayo ni ninong Menteng mamaya, nanalo sa sabong, nagpabili daw ng sarbesa ke ninang.” Paalala ni Pingping, sabay alok ng pakumbo sa ama. 



Nagpagibik ang inahing-baboy pagkakita kay Pingping na bitbit ang balde ng hugas at sako ng darak. Labing–apat ang naging anak ng alaga ni Pingping. Malulusog lahat. Ipinagpag ang nadumihang biniyak na goma ng trak. (Ito ang pinaka-labangan ng baboy). Ibinuhos nya ang kalahati ng hugas sa labangan at saka tinakalan ng dalawang tabong darak. Ang sarap ng sibsib ng inahing nagpapasuso. Kailangan nya ito lalo na’t lumalaki na ang mga kulig. Hinimas-himas ni Pingping ang tagiliran ng baboy habang kumakain at animo’y taong kinausap: “Salamat sa mga anak mo, ha? Hamo, hindi ka na namin isosoli, pag nagbuntis ka uli, babayaran na lang kita ke nana Akang.”



Ibinuhos nang lahat ni Pingping ang natirang hugas sa balde at tinakalan uli ng darak ang kakanan ng alaga at saka naghugas ng kamay. May duyan siyang sako sa tabi ng guyabanong tinatalian ng baboy. Naupo sya dito at pinanood ang mga kulig na nag-aagawan sa suso at mga manok na binubutas ang sako ng darak. Dalawang linggo na lang at paghahatian na nila ang bunga ng pagod nya. Humiga sya at pinagkasya ang sarili sa duyan. Sinapo ng dalawang palad ang ulo. Ano kaya ang itsura nya pag nakapantalon at nakasapatos? Ang bilin ng nanay nya ay hwag daw syang paika-ika ng lakad at baka mapagkakamalan syang  first-timer.



Lumipad ang diwa ni Pingping. Nakakikiliti ang pangitain ng mga darating na araw: Ang bentahan ng baboy, ang pag-aani ng mais ng tatay nya, ang unang pares ng pantalon at sapatos, at ang unang araw nya sa high school.



Nakaguhit ang ngiti sa labi ng nakatulog na bagun-tao. Umihip ng malamyos ang hangin. Umaawit ang pingkian ng kawayan sa may duluhan. Maliban sa mga huni ng ibon at manaka-nakang tawanan sa may bingguhan ay payapang-payapa ang Barrio Pinagkutaan. Sa di kalayuan ay pumailanlang sa himpapawid ang di maikakailang tinig: Ito ang inyongggg….Tiya Deeelyyyy…








Feb. 18, 2007

Riyadh, KSA

Biyernes, Marso 1, 2013

Pastol ng itik



Paika-ika akong umahon ng sapa. Isang baldeng tubig sa kanan, banyera sa kaliwa. Ang susundan ko’y liman-daang dumalagang itik at  haharanging bumalik. Bubungkalin ko ang bunton ng mga pinaggiikan at lalantad ang mga butil na sumama sa dayami. Iisang kumpol sila harap ko. Kulang na lang ay kumain sila mismo sa aking palad.

Palibhasa’y tag-araw kaya tuyo ang pinitakan. At sikat pa rin ang araw kaya madali silang mauhaw. Habang nanginginain, ibubuhos ko ang tubig sa di kalayuan at patakbong babalik sa sapa upang sumalok ng pamalit. Hindi ako pwedeng magtagal sa pang-iigib, may palay pa sa katabing banos, baka mapasok ng itik ko, nakow, lagot ako kay tata Ameng.

Matapos ang isang oras at kalahati ng pituhan, sigawan, (nakikilala ng itik ang tinig ng kanilang pastol), lobo na ang butse ng mga alaga ko. Habang dumidilim, guguhit sila ng iisang-linya pauwi kung saan ko sila pinawalan kaninang umaga. Hindi ko na sila kailangang igiya sa daraanan. Nakakagulat, kahit gaano kalayo ko sila itinaboy at pinastulan, kung bakit alam na alam nilang tuntunin ang daan pabalik.

Habang papauwi ay magpapatiuna ako upang magpalit ng sapin sa kulungan nila. Gustong-gusto kong nakikita habang ginagasak nila ang buhaghag na ginikan hanggang maging parang nilatag na banig na lang ito. Ano pa nga ba ang pinagkaiba namin ng mga alaga ko? Ako man ay patambling-tambling sa ginikan habang nakababad sila sa sapa.Eh ano ba kung makati at magilik, sa hindi naliligo, pagpag lang ang katapat nito.

 Hindi titigil ang kaguluhan sa loob hangga’t may isang kasama sa labas. At hindi rin naman titigil kaiikot ang nasa labas hanggang hindi nakikita ang daan papasok. Ganun din naman ako. Hindi ako aalis sa gilid ng kulungan hanggang hindi ko nabibilang ang mga palatandaan ko. Lima ang kulay puti, pito ang purlakin, dalawa ang abuhin, apat ang may korona. Kung may nabawas isa man dito, malamang ay may kasama ‘yon. Naranasan ko na ang mawalan ng itik. Sa edad ko noon – sampu-labin-dalawang taon – ay halos alam ko na rin ang damdamin ng mawalan ng anak.

Sa pipintog ng butse nila, pakiramdam ko’y hindi ko na kailangang maghapunan mamaya. Sulit ang maghapong pagkabilad sa araw. Makikita mo na may namumugad na, at unti-unting bumababa ang puwitan nila. Ito ang pinakamasarap na parte sa buhay ng pastol.  Hindi ka pa nagkasya na maghapon mo silang kasama, haya’t pinapapak ka na ng lamok, halos ay kumutan pa sila.

Ang pagkaalam ko ay hindi naman sa amin ang mga itik. Paalaga lang ito. Babayaran ang pinansyer pag umiitlog na hanggang tuluyang maging amin. Ang pagbabayad ay alalahanin ng mga magulang ko. Basta payapa ako sa pastulan kesa eskwelahan. Salamat na lang sa isip kong paslit, pareho lang ang kasiyahang natatamo sa busog at nangigitlog na itik.

Hihimpil sa kubo. Matapos kainin ang binalot ni inang, hindi na kailangang maligo bago matulog. Suot pa rin ang sambrang sikatan at lubugan ng araw, huhugasan ang natuyong putik sa paang tibakin, (tibak pag tag-araw, alipunga pag tag-ulan). Tatabi sa mga kasamahang amoy itik din. Ilalatag ang isang sakong B-Meg, papaloob sa isa pa, at papaimbulog sa isang himbing na di matatawaran.